"Nakasakay na ba tatay mo sa eroplano? Papa ko nakasakay na! Beh!" sabay singhot sa maka-ilang ulit ng pabalik balik na sipon. Bagong dating lang yata kasi papa niya galing Saudi.
Madalas ganyan ang eksena sa palaruan nung mga bata pa kami, minsan pa nga may magtatanong..."Nakakain ka na ba ng ganito?...Nakasakay ka na ba sa ganun?"
Ako naman tahimik lang, ni hindi ko nga alam mga pinagsasabi nila. Ayos na sakin mga takip ng mga softdrinks na laruan. Samantalang sila may robot na laruan.
Sabi kasi ng lola ko wag makialam sa gamit ng iba baka masira wala daw pambabayad. Lumaki nga pala ako sa mga lola ko, bale sila ang nagturo sakin kung alin ang tama sa mali. Konserbatibo masyado palibhasa mga matatandang dalaga. Kaya naman sa murang edad marunong na akong makuntento kung anung meron ako.
Pero sa loob-loob ko makakatikim din ako niyan, magkakaroon din ako ng ganyan, at makakasakay din ako diyan. Pangarap na pala ang tawag dun.
"Pre, sama ka puntahan natin yung ahensya na sinabi ng kapatid ko tanggapan daw ngayon". Isang umaga habang nakapila kami sa terminal antay ng mga pasahero.
"Walang mangyayari satin dito ang tumal na ng byahe, pataas pa ng pataas ang gasolina. Naiinip nako dito gusto ko na uling umalis". Naka-ilang beses na din kasi siyang nangibang bansa.
"Kelan?" tanong ko "Ikaw, kung kelan ka pwede!" sagot niya.
"Gusto mo ngayon na"?
"Sige isang byahe nalang ako tapos magkita tayo dito ng alas nueve". Pagkasabi niya ng ganun sumakay agad ako sa motor ko sabay harurot pauwi para magbihis. Habang nasa daan naisip ko "Paanu nga pala yun paso na lahat mga dokomento ko, pati pasaporte ko paso na din" kung ilang taon, hindi ko na din maalala. Basta kumuha lang ako dati. "Ahh basta, bahala na!" sa loob-loob ko.
Pagdating sa lugar medyo marami ng tao sa labas, limang palapag na gusali pala ang ahensyang yun. Nagtanong kami sa gwardya, binigay yung dereksyon ng pupuntahan namin. Sa ikatlong palapag pa pala iyon.
Pagdating sa taas, medyo mahaba na ang pila ng mga aplikante nahirapan pa kasi kaming hanapin yung lugar kaya medyo tinanghali kami ng dating. Sumunod nalang kami sa pinaka dulo ng pila, limahan pala ang pasok sa loob ng opisina kaya mabilis ang pila.
"Saan po yung mga dokumento nyo sir?" Sabi nung naka-upo sa lamesa nung ako na ang naka-salang. "Meron akong dala pero paso na po lahat" sagot ko. "ok, paki fill-up nalang po ito sir" sabay abot ng isang piraso ng papel. Nagbigay naman nako ng ganun (resume) pero meron din pala silang sarili pa.
Nung matapos, ok na daw tatawag nalang daw sila. Hayss, ganun lang pala ang proseso ng paga-apply papuntang ibang bansa. Ano naman ang malay ko dun eh sa firstaym ko lang maranasan, tapos biglaan pa. Ang sabi lang naman ng kumpare ko "Basta sumama ka!"
"Anong sabi sa 'yo 'pre?" habang naglalakad na kami papuntang sakayan pabalik na sa amin. "Tatawagan nalang daw ako 'pre " sagot ko. Tinanong nya kung may pasaporte nako sabi ko meron na kaya nga lang paso na. "Dapat ayusin mo na yun pre malay mo" sabi nya ulit. "Sige pre bukas ng maaga punta ako sa DFA ayusin ko na" ganun nga ang nangyari...
Makaraan ang dalawang lingo tumawag na nga yung ahensya na inaplayan namin, mag-report daw ako tapos magdala na ng mga dokomento anytime this week ang sabi. Sakto sabi ko, pagkakuha ko ng pasaporte ko sabay daan na din dun sa ahensya para isang lakad na lang.
Masyado ng mabilis ang mga sumunod na pangyayari, pagkatapos ng final interview sa webcam, medical, etc... May schedule na ng alis.
Eto na yun' sabi ko sa sarili ko, sa wakas mararanasan ko na din sumakay ng eroplano hahaha!
Sa airport may tinakdang lugar kung saan kami magkikitakita ng mga kasamahan kong aalis din. Sa kasamaang palad nga pala yung kumpare ko na nagsama sakin dati ay hindi natanggap gawa ng lagpas na daw sya sa edad. Gayun pa man nagpasalamat pa din ako sa kanya, kung hindi dahil sa kanya malamang na wala ako ngayun dito.
Ang sabi nya sakin dati "Naaawa kasi ako sayo 'pre sayang ka, isa pa naging mabait ka sakin dati nung bago palang ako dito. Wag kang mag alala sakin susunod din ako dun.Kung hindi man susubukan ko sa iba" wika nya.
Parang gusto kong umiyak that time kasi napaka-buti nya sakin. Bago pa magka-iyakan, di eto na dumating nako dun sa tagpuan ang sabi ng taga ahensya na maghahatid sa amin kulang pa daw ng dalawa bale apat daw kaming lahat. Nung makumpleto, pakilala pakilala muna sa isat-isa si Jun (di tunay na pangalan) ay dati ng galing dun sa pupuntahan namin ibang kompanya nga lang, kaya naman siya ang bida. Lahat kami sa kanya nagtatanong habang naglalakad papasok na ng airport. Siya din ang nagsasabi kung saan ang susunod na pupuntahan dahil kabisado niya na. Sunod sunuran naman kaming lahat sa kanya.
Hanggang sa makapasok na nga kami sa loob ng eroplano. Malaki ang nasakyan naming eroplano kumpara dun sa ibang nakita ko na mga nakaparada kanina.
Ganito pala ang loob ng eroplano sa loob-loob ko parang nasa loob lang ng deluxe na bus mas marami nga lang upuan mas malapad tapos sa taas may lagayan ng mga gamit na katulad din sa bus, may maliit na monitor sa bawat likod ng mga upuan meron din sa bus pero isa nga lang centralize, may c.r sa loob sa bus diba meron din.
Maya-maya pa biglang may nagsalita siguro hudyat na yun para sabihing lilipad na. "Suot mo na seatbelt mo" sabi ni Jun na nasa tabi ko. Napatigil tuloy ako sa pagmamasid sa kung anong meron sa loob.
Nag umpisa na ngang umandar mabagal pa nung una hanggang sa bumibilis ng bumibilis hanggang sa tuluyang umangat sa lupa. Pinakikiramdaman ko ang bawat nangyayari unti-unti kaming tumataas hanggang sa makarating na kami sa ulap, tumataas pa, may ulap na naman siguro apat na ulap ang nilagpasan namin.
Ganun pala dun sa itaas,(sa loob-loob ko na naman) may mga level din pala ang mga ulap.
No comments:
Post a Comment